Maririnig sa magkabilang tenga mo ang mga komento na ganito "hindi naman mahirap yan e, kadali lang ng Filipino, walang trill pag-aralan yan, nakakaboring kaya yang Filipino" mga masasakit na komento ng iba patungkol saming mga nagpapakadalubhasa ng Filipino, ngunit hindi nila alam kung gaano ba kahirap ang pumasok at pag-aralan ito. Gusto niyo bang malaman ang mga dahilan kung bakit mahirap ito? Halika't lakbayin ang kodigo ng mga dahilan ng nagpapadalubhasa sa FILIPINO!
Mga dahilan kung bakit mahirap ang magpadalubhasa sa FILIPINO
1. Mahirap magpakadalubhasa ng FILIPINO dahil maraming mga salita na hindi naman gaanong ginagamit ng karamihan. Mga salita na napakahirap baybayin, mga salitang mahirap bigkasin, mga salitang mahirap intindihin ang kahulugan nito.
2. Mahirap magpakadalubhasa ng FILIPINO dahil sa mga maraming mga gagawing aktibidad. May mga dula-dulaan na kailangang gawin ng biglaan yaong tipong ilang minuto lamang ang paghahanda. May mga talumpati, mga karilyo, mga sayawit at iba pa. Alam ko hindi ninyo alam kung ano ang mga yan dahil ang mga nagpapakadalubhasa ng FILIPINO ang madalas may alam ng mga yan.
3. Mahirap magpakadalubhasa ng FILIPINO dahil ang mga ingles minsan ay walang salin sa FILIPINO kaya't madalas ang ginagawa ng iba ay mas gugustuhin na lamang magsulat sa ingles, ngunit kaming mga nagpapakadalubhasa sa FILIPINO ay hahanapin namin ang wastong salita na kailangang gamitin rito upang maisulat ng tama.
4. Mahirap magpakadalubhasa ng FILIPINO dahil kailangan mong magpakasigla sa klase dahil kung hindi'y magiging walang gana ang iyong pag-aaral asignaturang ito. Madalas ang FILIPINO ang inaantukan ng mga mag-aaral dahil ito nga'y nakakainip na pag-aralan kung atin ngang titignan ngunit ang mga nagpapakadalubhasa sa FILIPINO ay hindi nakakainip na magturo (saking sariling karanasan)
5. Mahirap magpakadalubhasa ng FILIPINO dahil maraming mga diyalekto o lengwahe ang kailangan mong malaman. At maaari kang tawagin na lingwista. Kailangan mong malaman kung bakit Filipino ang ating ginagamit na lengwahe sa panahon na ito.
6. Mahirap magpakadalubhasa ng FILIPINO dahil namulat ang mga ibang kabataan ngayon sa ibang lenggwahe, oo kailangan nating pag-aralan ang mga lenggwahe na tulad ng ingles dahil ito ang pangkalahatang lenggwahe sa daigdig ngunit ang mga Pilipino ay mismong kinakaya ang pambansang wika nito. Kaya't kailangan naming mga nagpapakadalubhasa sa FILIPINO na bigyang pansin ang mga ganitong sitwasyon. Ipaalam sa mga iba na kailangang mahalin ang sariling atin.
7. At ang huling dahilan kung bakit Mahirap magpakadalubhasa ng FILIPINO ay mismong mga nagpapakadubhasa nito ay ayaw yakapin ang asignaturang FILIPINO.
Mga dahilan na kahit sino ay alam. Mga dahilan na kayang sagutin ng iba ngunit hindi maintindihan. Mahirap magpakadalubhasa ng FILIPINO ngunit hindi ito natin malalaman kung hindi natin pag-aaralan, kung hindi natin iintindihin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento